Saturday, December 31, 2011

Almusal


Kape, bacon at itlog with Hawaiian sweet roll aka pandesal

Umagang kay lamig

Kagigising ko lang. Hindi bukas ang aircon pero malamig. First order of the day, tingnan ang telepono kung may message. Uy, meron. Good morning message. Sagutin ito pagkatapos tingnan ang temp sa labas. 46 degrees F, 8 degrees C. Sarap magbabad sa kama. Kaya lang tinatawag na ako ng banyo. Lika, samahan mo ko. 

O siya, censored na kung ano ginawa ko sa banyo. Hugas kamay, magtimpla tayo ng kape. Pampagising. Gusto ko pa sanang humilata sa kama pero masakit na ang likod ko. At ang lintek na matandang nasa 2nd floor nitong unit ko eh nagma-martsa na naman. Inireklamo ko na ito pero pinapa-monitor sa akin kung anung oras siya nagma-martsa. Pambihira. Ambigat ng paa. 

Agenda for the day? Uminom ng kape, magluto ng agahan, mag-text sa magulang at kapatid dahil Bagong Taon na sa Pinas. Makapag-check nga ng FB at siguradong may mga post ng pictures ang mga pinsan ko tungkol sa party sa compound. Malamang putukan na ngayon. Harinawang kumpleto pa ang mga daliri nila sa kamay. 

May pasok na ako mamaya. Kaya walang party (as if naman may pupuntahan ako). Mga matanda na naman ang kasama ko at pahabaan ng baong pasensiya dahil posibleng makalmot o murahin ka ng matatanda habang nililinisan mo sila ng pwet. Taragis, ikaw na nga naglilinis ikaw pa ang minumura. Normal na ang maututan, malagyan ka ng tae sa katawan, maduruan, makalmot habang pinapaliguan o binibihisan mo sila. Oooopppsss... ke aga-aga. STOP. Happy thoughts muna tayo. Mamaya pa ang pasok ko at kailangan 500% ang baon kong pasensiya kasi galing ako sa day off. 

Uy, ready na ang kape ko. Timpla muna tayo. May pandesal pa nga pala ako. Makapag-prito muna ng itlog at bacon para kumpleto na almusal ko.

BRB. 

Oo, natutunan ko 'yan sa asawa kong hanep ang kaalaman ngayon sa teen language. 

LOL.

Friday, December 30, 2011

Bakit BJ?

Sa mga nagtataka kung bakit BJ ang pangalang lumalabas sa bawat ending ng mga post ko eto ang paliwanag. Beegee kasi talaga dapat 'yan. Kaya lang hirap ang mga Kano na i-pronounce ang Beegee sa di maipaliwanag na dahilan. Ewan ko ba, samantalang ke dali-dali namang i-associate sa Bee Gees, di ba? Iniksian ko na nga. BG na lang. Kaso talaga namang mga pasaway ang mga matatandang alaga ko pati na rin ang mga anak nila. Kahit ang bossing at bossing-bosingan eh BJ talaga ang natatandaan. Thus, the new alias - BJ.

Hmmmm.. eto na naman, dahil sa walang magawa umaandar na naman ang speedometer ng utak ko sa iba't ibang pwedeng maging kahulugan ng BJ. Ika nga ng isang alaga ko, BG? What does it stand for? Pag sinabi kong it stands for nothing because it's my name. Ang isasagot niya, that's baloney. I don't believe you. Syet na malagket, tatanong-tanong ka tapos pag sinagot di ka maniniwala?!

Heniwey, BJ. What does it stand for? Eto ang mga naiisip ko..

Blow job (talaga naman)
Baka joding?
Be jolly
Before justice
Be just
Baka joke
Boxing jab
Bad ass jack
BJ's Restaurant and Brewhouse
Bored jackass

Wala lang. Pampalipas oras. Pang-alis ng inis. Pangtanggal ng pag-aalala. 

Parang masarap magtanggal ng tutuli ngayon ah. 

Pasundot-sundot

Eto na naman tayo. Bigla na lang maiisip na na-miss ko na ang magsulat. Ganun ata talaga kapag wala kang magawa. Maiisip mo ang mga bagay na pwedeng pagkaabalahan kasi wala namang ibang pwedeng pagkaperahan.

Kagabi nag-post ang isa sa mga kaibigan kong varsity nung HS na nami-miss na niya ang notebook ko. Isa sa kasi sa libangan ng mga dati kong teammates noon ang basahin ang mga kabaliwan ko - mapatula o kwento o mga hinaing ko sa buhay. Aliw na aliw na sila sa paganun-ganun lang. Ako naman natutuwa pag binabasa nila ang mga nakasulat sa notebook ko. Magustuhan man nila o kainisan, wala akong pakialam. Para sa akin kasi outlet ng kung anumang mga saloobin ko ang mga letrang naisusulat at nabubuo para maging mga salita hanggang sa makabuo ng isang talata. Nakow, lumalabas na naman ang pagka-makata. Hindi ko sinasadya pero minsan talaga nagkakaron ng mga tugma ang mga salitang lumalabas sa aking diwa. Ayan na naman!

Hindi ko alam kung paano o saan magsisimula. Hindi ko na rin kasi matandaan kung kailan ako huling nagsulat. 'Yung matinong pagsusulat ha? Teka, e ano nga ba ang matinong pagsusulat sa gagong pagsusulat? Ewan. Basta kung ano na lang ang lumabas sa pagtipa ko ng keyboard yun na yun.

Nagugutom na ako. Pero tinatamad akong iinit 'yung sinigang na baboy na niluto ko kanina. Hindi ako lumabas ng bahay ngayon kasi tinatamad ako. Magastos kasi. Ang kuripot ko talaga. Pero binigyan ko ng movie pass 'yung tagagupit ko kahapon. Naisip ko lang basta, manonood sana ako ng MI: Ghost Protocol kahapon kaso tinamad din ako pagkatapos kong magpagupit. Siguro kasi nabili ko na 'yung jacket na gusto ko gamit ang gift card na natanggap ko galing sa Secret Santa. Syempre hindi enough 'yun para mabili ko 'yung jacket kaya nagdagdag pa ako. Pero ok lang, happy naman ako kasi may nabili ako para sa sarili ko.

Kaya nga ako nagta-trabaho para mabili ko 'yung mga gusto ko e. Pero minsan di ko din maipaliwanag kung bakit tinitipid ko ang sarili ko kahit na may gusto akong bilhin. Siguro kasi lagpas na ako dun sa kaisipan na pag gusto mo 'yung bagay na 'yun at may pambili ka naman, bilin mo. Mas andun na ata ako sa punto na bibilhin ko siya kasi kailangan ko, hindi dahil sa gusto ko. Andami ko na kasi t-shirt. Hindi ko naman nagagamit kasi palagi akong naka-scrubs. Pag wala naman akong pasok nagkukulong lang ako sa bahay at nakahilata sa kama hawak ang laptop. Nagpe-Facebook o nagsu-surf sa Oakley Vault. Pag nagsawa dadamputin ang librong nasa night stand at magbabasa habang nakikinig sa mga kanta galing sa iPod na naka-hook sa 2.1 channel speakers with subwoofer system. Simple lang ang buhay ko dito sa Amerika. Trabaho, kain, tulog, trabaho ulit. Bonus na kung merong aksyon sa kama habang nagwawala si Blu sa fish bowl niya. Bihira kasing makakita ng aksyon kaya ganun.

Nagba-bike ako araw-araw papasok at pauwi pero hindi lumiliit ang tiyan ko. Lumalaki pa nga. Senyales na siguro ng pagtanda at kakulangan sa exercise. Natutuwa naman akong nakikita ang taba kapag nagsuot ako ng maong at nag-tuck in ng t-shirt (na bihira ko nang gawin ngayon). Napapangisi ako kasi ang sloppy ko na magdamit.

Nami-miss ko na din mag-slacks at polo. Masyado kasi akong rugged at casual dito. Hindi naman ako nagrereklamo. Nasasabi ko lang ba. Hindi ko nga alam kung babagay pa sa akin ang magsuot ng ganun. Saka wala naman kasing okasyon para pumorma. 'Yung pinopormahan ko tinatawanan na lang ako sabay sabing "Matanda ka na. Ampangit na." Ganun na ata talaga pag asawa mo na. Garapalan na.

So, what's new? Sa haba ng panahong di ako nakapagsulat parang wild na kabayo ang mga ideya sa isip ko. Takbo ng takbo ng wala naman patutunguhan. Basta gusto lang tumakbo ng tumakbo. Kaya tuloy ang gulo ng mga nakasulat dito. Rendahan muna natin. Pakakainin ko muna ang tiyan ko at nago-growl na. Ayokong magka-ulcer at bawal magkasakit dito sa Amerika dahil wala akong insurance. Masyadong matindi ang impact pag nagkasakit ka.

O siya, nananadyak na ang kabayo sa utak ko dahil bigla siyang hinarangan ng sibat. Mamaya na ulit. Harinawang kasing bilis ulit ng takbo niya kanina ang takbo niya mamaya o bukas para naman may maisulat uli ako.

Sa ngayon, pasundot-sundot muna.