Friday, December 30, 2011

Pasundot-sundot

Eto na naman tayo. Bigla na lang maiisip na na-miss ko na ang magsulat. Ganun ata talaga kapag wala kang magawa. Maiisip mo ang mga bagay na pwedeng pagkaabalahan kasi wala namang ibang pwedeng pagkaperahan.

Kagabi nag-post ang isa sa mga kaibigan kong varsity nung HS na nami-miss na niya ang notebook ko. Isa sa kasi sa libangan ng mga dati kong teammates noon ang basahin ang mga kabaliwan ko - mapatula o kwento o mga hinaing ko sa buhay. Aliw na aliw na sila sa paganun-ganun lang. Ako naman natutuwa pag binabasa nila ang mga nakasulat sa notebook ko. Magustuhan man nila o kainisan, wala akong pakialam. Para sa akin kasi outlet ng kung anumang mga saloobin ko ang mga letrang naisusulat at nabubuo para maging mga salita hanggang sa makabuo ng isang talata. Nakow, lumalabas na naman ang pagka-makata. Hindi ko sinasadya pero minsan talaga nagkakaron ng mga tugma ang mga salitang lumalabas sa aking diwa. Ayan na naman!

Hindi ko alam kung paano o saan magsisimula. Hindi ko na rin kasi matandaan kung kailan ako huling nagsulat. 'Yung matinong pagsusulat ha? Teka, e ano nga ba ang matinong pagsusulat sa gagong pagsusulat? Ewan. Basta kung ano na lang ang lumabas sa pagtipa ko ng keyboard yun na yun.

Nagugutom na ako. Pero tinatamad akong iinit 'yung sinigang na baboy na niluto ko kanina. Hindi ako lumabas ng bahay ngayon kasi tinatamad ako. Magastos kasi. Ang kuripot ko talaga. Pero binigyan ko ng movie pass 'yung tagagupit ko kahapon. Naisip ko lang basta, manonood sana ako ng MI: Ghost Protocol kahapon kaso tinamad din ako pagkatapos kong magpagupit. Siguro kasi nabili ko na 'yung jacket na gusto ko gamit ang gift card na natanggap ko galing sa Secret Santa. Syempre hindi enough 'yun para mabili ko 'yung jacket kaya nagdagdag pa ako. Pero ok lang, happy naman ako kasi may nabili ako para sa sarili ko.

Kaya nga ako nagta-trabaho para mabili ko 'yung mga gusto ko e. Pero minsan di ko din maipaliwanag kung bakit tinitipid ko ang sarili ko kahit na may gusto akong bilhin. Siguro kasi lagpas na ako dun sa kaisipan na pag gusto mo 'yung bagay na 'yun at may pambili ka naman, bilin mo. Mas andun na ata ako sa punto na bibilhin ko siya kasi kailangan ko, hindi dahil sa gusto ko. Andami ko na kasi t-shirt. Hindi ko naman nagagamit kasi palagi akong naka-scrubs. Pag wala naman akong pasok nagkukulong lang ako sa bahay at nakahilata sa kama hawak ang laptop. Nagpe-Facebook o nagsu-surf sa Oakley Vault. Pag nagsawa dadamputin ang librong nasa night stand at magbabasa habang nakikinig sa mga kanta galing sa iPod na naka-hook sa 2.1 channel speakers with subwoofer system. Simple lang ang buhay ko dito sa Amerika. Trabaho, kain, tulog, trabaho ulit. Bonus na kung merong aksyon sa kama habang nagwawala si Blu sa fish bowl niya. Bihira kasing makakita ng aksyon kaya ganun.

Nagba-bike ako araw-araw papasok at pauwi pero hindi lumiliit ang tiyan ko. Lumalaki pa nga. Senyales na siguro ng pagtanda at kakulangan sa exercise. Natutuwa naman akong nakikita ang taba kapag nagsuot ako ng maong at nag-tuck in ng t-shirt (na bihira ko nang gawin ngayon). Napapangisi ako kasi ang sloppy ko na magdamit.

Nami-miss ko na din mag-slacks at polo. Masyado kasi akong rugged at casual dito. Hindi naman ako nagrereklamo. Nasasabi ko lang ba. Hindi ko nga alam kung babagay pa sa akin ang magsuot ng ganun. Saka wala naman kasing okasyon para pumorma. 'Yung pinopormahan ko tinatawanan na lang ako sabay sabing "Matanda ka na. Ampangit na." Ganun na ata talaga pag asawa mo na. Garapalan na.

So, what's new? Sa haba ng panahong di ako nakapagsulat parang wild na kabayo ang mga ideya sa isip ko. Takbo ng takbo ng wala naman patutunguhan. Basta gusto lang tumakbo ng tumakbo. Kaya tuloy ang gulo ng mga nakasulat dito. Rendahan muna natin. Pakakainin ko muna ang tiyan ko at nago-growl na. Ayokong magka-ulcer at bawal magkasakit dito sa Amerika dahil wala akong insurance. Masyadong matindi ang impact pag nagkasakit ka.

O siya, nananadyak na ang kabayo sa utak ko dahil bigla siyang hinarangan ng sibat. Mamaya na ulit. Harinawang kasing bilis ulit ng takbo niya kanina ang takbo niya mamaya o bukas para naman may maisulat uli ako.

Sa ngayon, pasundot-sundot muna.


1 comment:

  1. luvet!
    at least now, u dont have to elaborate & long overseas calls/chat to knw how u've been for more than 10yrs not seeing u...

    ntawa ako sa natural n paglabas ng mga talata mo.
    i will always be a fan!

    keep on blogging! whatever it is, u simply have a unique way of amazing me

    ReplyDelete