Saturday, March 24, 2012

5LINX Velocity Tablet


Can't wait to see it on my doorstep! Ang tagal naman ng April! 


Leave a comment if you're interested and I'll get back to you :D

Saturday, March 17, 2012

Bye Blu

Blu (our male betta) committed harakiri the other week. Masyado na daw siyang maraming na-witness at di na niya kayang mabuhay pa. Ehek! Kaya pagdating namin ni Misis dito sa bahay nakita na lang namin siyang nakalutang at maputla na. Kaya pala ilang araw na erratic ang behavior niya. Seloso ata si Blu. May pagmamanahan naman kasi. Haaay.. In honor of Blu bumili kami ng 5 gallon tank aquarium. Tini treat pa namin ang tubig kaya wala pang kapalit na isda.

Bye Blu. Wala nang magwawala pag andito si Misis, nag harakiri ka na kasi e.

Thursday, March 15, 2012

Sand in the palm of my hand

Gadget at the Beach

A rocky path to hear the waves

What's inside the sack? Sand :)

Saturday, March 3, 2012

Katialis, Ap Ap Solution, An-an at Peklat

Kagabi pa ako isip ng isip kung ano 'yung ointment na may kakaibang amoy na pilit na ipinagagamit sa akin nung bata pa ako sa tuwing may peklat ako. Nakakatanggal daw kasi ng peklat 'yun. Tapos kanina, nagbabasa ako ng column ni Ambeth Ocampo sa INQ7 nung makita ko ang previous article niya tungkol sa mga gamot. Sapul, dun ko naalala ang Katialis. Kasi naman talagang kasama pa sa title ng article niya. Di ko maalala kung effective nga siya. Kasi tiningnan ko katawan ko kanina, meron pa din akong mga peklat. Hindi naman kasi naging issue sa akin ang mga peklat. Proud pa nga ako na meron ako nun. Battle scars ika nga. Dahil sa kakulitan at kalikutan ko nung bata pa ako. Meron ako sa may kaliwang wrist dahil sa kakalambaras sa school grounds. Nasabit sa bakal at nasugatan. Meron din ako sa tuhod dahil sa pag-semplang sa motor at sa pagsadsad sa semento sa kakalaro ng volleyball. Meron sa binti dahil sa maling pagsampa sa motor, na-burn 'yung balat ko sa tambutso. 

Meron pang isang popular na ipinapahid na madalas ko ding gamitin nung bata pa ako. Ap-ap solution. Pangtanggal ng an-an. Sobrang hapdi nun pag ipinahid. Sinusunog kasi balat mo. Naghahanap ako ng picture nung bote, natatandaan ko kasi maliit lang 'yun e. Wala akong makita kundi ito, galing sa Kikay website. 

Madalas ipahid 'yan ni Tatay noon sa likod ko pagkatapos kong maligo. At pagkatapos na pagkatapos niyang ipahid, diretso na akong sasakay sa bisikleta at patatakbuhin ito ng sobrang bilis para di ko mapansin 'yung hapdi sa balat ko. 

Bakit ba kung anu-anong skin treatment itong naiisip ko? Ilang araw ko na kasing iniisip ang sugat at peklat. Kasi basta nagkasugat ka siguradong magkaka-peklat di ba? At iba-iba din ang pagtanggap natin sa peklat. Merong ok lang na andiyan lang ang peklat sa balat nila.  Reminder ng mga adventures nila nung bata pa sila o ng mga pangyayaring nagdulot nung sugat.  Merong gusto itong itago sa pamamagitan ng mga concealer. Meron naman gusto itong alisin, kaya gumagamit ng mga ointment para mawala ang bakas nito sa balat. 

Pero hindi naman porke nawala na ang bakas nito sa balat ibig sabihin noon ay nakalimutan mo na kung bakit ka nasugatan. Minsan kahit na naghilom na ang sugat at di mo na makita ang bakas ng peklat, andun pa din ang sakit. May gamot ba para dun?  Siguro. Meron ka bang pwedeng inumin o ipahid para makakagamot nung sakit? Oo. Pero pansamantala lang. Kasi pag puso ang nasugatan at nagkapeklat, sobrang tindi ang sakit na nararamdaman. Walang katialis, ap-ap solution o morphine ang makapagtatanggal nito. Ikaw lang. 

Sugat, Peklat at Pagmamahal

Natutulala ka. Tapos bigla kang kikiligin. Mapapangiti na lang basta. Nagdi-daydream.  Napupuyat sa kaiisip kaya nagkaka-pimples. Nagsusulat ka ng love letters (o sige na nga, ngayon text na lang at email. Hindi pa kasi uso 'yun nung panahon ko).  Pina-practice mo kung ano sasabihin mo sa kanya pag nagkita na kayo. Kaso pag nakita mo naman siya nato-torpe ka at namumula habang nakatingin sa kanya. Nung unang beses kang na-in love, for sure, naranasan mo lahat 'yan. Masarap 'yung feeling. 'Yun bang hindi ka makatulog kakaisip sa kanya. At pinaplano mo naman ang gagawin kinabukasan pagkagising kasi makikita mo na siya. At pag kasama mo na siya, sobrang bilis naman ng oras na hinihiling mo na kung pwede lang na hindi na matapos ang araw para lagi mo siyang kasama. 

Lahat tayo na-in lab na. At sa mga nakaranas nito hindi lahat masaya. Hindi lahat happy ending tulad ng mga napapanood natin sa pelikula. Merong tragic. Merong bitin. May nakakainis. At meron din namang to be continued - kung minsan nga inaabot ng trilogy.  O sa kaso ng Shake, Rattle and Roll may part 13 na.  Pero di tulad ng pelikula, sa totoong buhay tayo ang gagawa ng ending. Happy man ito o hindi. May mga desisyon tayong magagawa na makapagbabago ng buhay natin. Mapa mabuti man o masama. May mga takot tayong iko-conquer. May mga kilig moments na binabalik-balikan. May mga sakit na inaalala. May mga   emote moments din. May mga sugat na pinaghihilom. May mga peklat na alaala ng malalalim na sugat. 

Nung bata pa ako palagi daw akong naka-jogging pants kasi ayaw na ayaw ng daddy ko na masusugatan ako. Hindi naman ako takot masugatan. Hindi din ako takot sa dugo. Kaya nga natatawa ako pag sinasabi ni tatay na lalabasan daw ng puting kabayo 'yung sugat ko. Sagot ko pa sa kanya, e bakit hindi pulang kabayo? E pula naman ang dugo?  Gago talaga ako bata pa lang. Pag bata ka talaga wala ka pang sense of fear. Sige lang ng sige. Kahit masaktan ka ok lang. Adventure ang lahat para sa 'yo. Wala kang pakialam kung masusugatan ka at magkaka-peklat magawa mo lang ang gusto mo. Maka-akyat ka lang sa puno, makalangoy sa creek, makatakbo sa damuhan o sa bukid para makapanghuli ng tutubing karayom at gagamba, makapagbisikleta. Pero bakit ganun? Habang tumatanda ka unti-unting umuusbong 'yung takot. Takot na masugatan. Takot na magka-peklat. Lalo na pag natuto ka nang magmahal. Hindi na kasi pwedeng ihipan lang ang sugat na likha ng pag-ibig. Hindi na din pwedeng takpan ng band-aid ang peklat.

Bakit pag nagmahal ka may kaakibat na sakit? Hindi mo mararamdaman ang sarap ng pagmamahal kung walang sakit. Bakit kailangan may ganun pa?  Hindi ba pwedeng lagi na lang masaya? Ang sagot diyan ay isang dumadagundong na HINDI. Wala pa akong kilalang nagmahal na hindi nasaktan. O nakasakit.  Kasama na sa package 'yun e. The moment na hinayaan mong mahalin ka ng isang tao at mahalin mo din siya, binibigyan mo din siya ng karapatan na saktan ka. Kaya nga merong mga taong ayaw magmahal. Hindi dahil sa hindi nila kayang magmahal kung hindi takot silang magmahal. Kasi takot silang masaktan. Pwedeng as a result of a traumatic experience. O di kaya naman, nakita nila sa mga kaibigan nila. Meron namang mga taong sugod lang ng sugod kahit na nasasaktan na, go lang ng go. Kasi masarap ang may minamahal. At syempre pa, mas masarap kung may nagmamahal din sa 'yo di ba? Kaso nga hindi naman palaging nasusuklian 'yun. Sabi nga ni Janus, ang pag-ibig parang atm din. Hindi pwedeng withdraw ka lang ng withdraw, kailangan mo din mag-deposit. Kumbaga sa kalsada, two-way.  Dalawa kayong dumadaan sa kalsada kaya dapat nagbibigayan kayo. Hindi pwedeng one-way lang. Kasi hindi magwo-work. And mind you, it takes a lot of work. 

Paano kung andun ang takot? 'Yung peklat na likha ng sobrang lalim na sugat?  Sana kaya natin kunin at angkinin 'yung sakit na kadalasan tayo naman ang may kagagawan. Pero hindi e. Ang kaya lang natin gawin ay magmahal ng lubos at hintayin na maging handa siyang magmahal ulit. Kasi siya lang ang makapagtatanggal nung sakit at takot sa puso niya. Hindi ibang tao. Siya lang.


Kaya kayong mga bata, kapag sinabi niyong nagmamahal na kayo siguraduhin niyo lang na kaya niyo nang masaktan. At bago niyo halikan sa tenga ang mahal niyo, siguraduhin niyong kaya niyo silang pakasalan. Ehek! Paano tayo napunta dun? Tama na nga.


Seriously, bakit nga ba tayo nagmamahal kahit nasasaktan na tayo? Ito lang ang alam kong sagot: IT'S WORTH IT.


She is worth it.