Saturday, March 3, 2012

Sugat, Peklat at Pagmamahal

Natutulala ka. Tapos bigla kang kikiligin. Mapapangiti na lang basta. Nagdi-daydream.  Napupuyat sa kaiisip kaya nagkaka-pimples. Nagsusulat ka ng love letters (o sige na nga, ngayon text na lang at email. Hindi pa kasi uso 'yun nung panahon ko).  Pina-practice mo kung ano sasabihin mo sa kanya pag nagkita na kayo. Kaso pag nakita mo naman siya nato-torpe ka at namumula habang nakatingin sa kanya. Nung unang beses kang na-in love, for sure, naranasan mo lahat 'yan. Masarap 'yung feeling. 'Yun bang hindi ka makatulog kakaisip sa kanya. At pinaplano mo naman ang gagawin kinabukasan pagkagising kasi makikita mo na siya. At pag kasama mo na siya, sobrang bilis naman ng oras na hinihiling mo na kung pwede lang na hindi na matapos ang araw para lagi mo siyang kasama. 

Lahat tayo na-in lab na. At sa mga nakaranas nito hindi lahat masaya. Hindi lahat happy ending tulad ng mga napapanood natin sa pelikula. Merong tragic. Merong bitin. May nakakainis. At meron din namang to be continued - kung minsan nga inaabot ng trilogy.  O sa kaso ng Shake, Rattle and Roll may part 13 na.  Pero di tulad ng pelikula, sa totoong buhay tayo ang gagawa ng ending. Happy man ito o hindi. May mga desisyon tayong magagawa na makapagbabago ng buhay natin. Mapa mabuti man o masama. May mga takot tayong iko-conquer. May mga kilig moments na binabalik-balikan. May mga sakit na inaalala. May mga   emote moments din. May mga sugat na pinaghihilom. May mga peklat na alaala ng malalalim na sugat. 

Nung bata pa ako palagi daw akong naka-jogging pants kasi ayaw na ayaw ng daddy ko na masusugatan ako. Hindi naman ako takot masugatan. Hindi din ako takot sa dugo. Kaya nga natatawa ako pag sinasabi ni tatay na lalabasan daw ng puting kabayo 'yung sugat ko. Sagot ko pa sa kanya, e bakit hindi pulang kabayo? E pula naman ang dugo?  Gago talaga ako bata pa lang. Pag bata ka talaga wala ka pang sense of fear. Sige lang ng sige. Kahit masaktan ka ok lang. Adventure ang lahat para sa 'yo. Wala kang pakialam kung masusugatan ka at magkaka-peklat magawa mo lang ang gusto mo. Maka-akyat ka lang sa puno, makalangoy sa creek, makatakbo sa damuhan o sa bukid para makapanghuli ng tutubing karayom at gagamba, makapagbisikleta. Pero bakit ganun? Habang tumatanda ka unti-unting umuusbong 'yung takot. Takot na masugatan. Takot na magka-peklat. Lalo na pag natuto ka nang magmahal. Hindi na kasi pwedeng ihipan lang ang sugat na likha ng pag-ibig. Hindi na din pwedeng takpan ng band-aid ang peklat.

Bakit pag nagmahal ka may kaakibat na sakit? Hindi mo mararamdaman ang sarap ng pagmamahal kung walang sakit. Bakit kailangan may ganun pa?  Hindi ba pwedeng lagi na lang masaya? Ang sagot diyan ay isang dumadagundong na HINDI. Wala pa akong kilalang nagmahal na hindi nasaktan. O nakasakit.  Kasama na sa package 'yun e. The moment na hinayaan mong mahalin ka ng isang tao at mahalin mo din siya, binibigyan mo din siya ng karapatan na saktan ka. Kaya nga merong mga taong ayaw magmahal. Hindi dahil sa hindi nila kayang magmahal kung hindi takot silang magmahal. Kasi takot silang masaktan. Pwedeng as a result of a traumatic experience. O di kaya naman, nakita nila sa mga kaibigan nila. Meron namang mga taong sugod lang ng sugod kahit na nasasaktan na, go lang ng go. Kasi masarap ang may minamahal. At syempre pa, mas masarap kung may nagmamahal din sa 'yo di ba? Kaso nga hindi naman palaging nasusuklian 'yun. Sabi nga ni Janus, ang pag-ibig parang atm din. Hindi pwedeng withdraw ka lang ng withdraw, kailangan mo din mag-deposit. Kumbaga sa kalsada, two-way.  Dalawa kayong dumadaan sa kalsada kaya dapat nagbibigayan kayo. Hindi pwedeng one-way lang. Kasi hindi magwo-work. And mind you, it takes a lot of work. 

Paano kung andun ang takot? 'Yung peklat na likha ng sobrang lalim na sugat?  Sana kaya natin kunin at angkinin 'yung sakit na kadalasan tayo naman ang may kagagawan. Pero hindi e. Ang kaya lang natin gawin ay magmahal ng lubos at hintayin na maging handa siyang magmahal ulit. Kasi siya lang ang makapagtatanggal nung sakit at takot sa puso niya. Hindi ibang tao. Siya lang.


Kaya kayong mga bata, kapag sinabi niyong nagmamahal na kayo siguraduhin niyo lang na kaya niyo nang masaktan. At bago niyo halikan sa tenga ang mahal niyo, siguraduhin niyong kaya niyo silang pakasalan. Ehek! Paano tayo napunta dun? Tama na nga.


Seriously, bakit nga ba tayo nagmamahal kahit nasasaktan na tayo? Ito lang ang alam kong sagot: IT'S WORTH IT.


She is worth it.

No comments:

Post a Comment